by
PROF. ROLANDO S. DELA CRUZ
Isang bayani ang muling isinilang sa kamalayan ng bayan. Namatay di sa sakit kundi sa mekanikal na aksidente ng isang eroplano. Isa itong patunay na ang pagbabasbas ng kabayanihan ay di isinasagawa ng lehislatura at di lamang ng matrahedyang pag-aalay ng buhay. Sa huli, mga ordinaryong tao ang nag-aalay ng mga petal ng pagtingala mula sa tuntungan ng isang pedestal.
Dati, pinaparangalan si Jesse Robredo ng kanyang mga kababayan sa Naga. Sumunod dito ang pagkilala ng mga institusyon na nalirip ang kanyang pagiging dyamante. Ngayon, buong bayan naman ang nagbibigay-puri: isang bayan na nangangailangan ng mas marami pang bayani. Ang pagpupugay sa kanya ay di lamang pagpapasalamat sa pagiging mabuting halimbawa ng pamumuno. Ito ay pagsasabi na mas marami pang tulad nya ang kailangan ng mga mamamayan ng bayang Pilipinas: Kulang pa, kulang pa, sabi nila. Mas marami pang tulad mo ang nais namin.
Ito ay isang uri ng pag-aalsa ng bayan na tila naiinip sa pagdating na isang tagapagligtas. Isang uri ng pambansang diskurso na sumusubok paigtingin ang mga alon sa dagat ng desperasyon. Isang uri ng pagpapahiwatig na sa katunaya’y nag-aantay ng isang tsunaming magbabago sa takbo ng isang nakababagot na kasaysayan ng kasinungalingan, pagnanakaw at kataksilan sa bayan.
Maaring walang armas ang bayan sa tulad nitong buhos ng damdamin. Maaring walang kamalayang rebolusyonaryo ang mga ordinaryong nagtitiis sa ilalim ng araw o ulan upang silayan ang kabaong na naglalaman ng isang ideya ng pag-asa. Ngunit sa katotohanan, ang pagkakabalot sa kabaong ng isang bandila, pati na rin ang kalahating-tagdang pagwawagayway nito sa isang Palasyo tulad ng sa buong bayan, at ang pagpuprusisyon ng kanyang pagiging ordinaryong tao sa mga bakubako at balubaluktot na mga kalye ay isang uri ng edukasyon para sa bayan.
Ito ay edukasyon di lamang sa pagiging pinuno, kundi sa pag-uugali ng isang indibidwal; di lamang sa pagiging ideyalista, kundi sa pagsasakatotohanan ng mga balakin; di lamang sa pagiging makabayan, kundi sa pagiging halimbawa sa lahat na naghahangad yumakap sa kabutihan; di lamang sa pagiging isa sa mga pinakamababa ng lipunan, kundi sa pagsasabuhay din ng pamamayani ng batas; at, di lamang sa pagiging maka-Diyos, kundi sa pagiging makatao rin. Ang pagkakatutong tulad nito ang tangi, pinakamahusay, at pangmatagalang sandata ng bayan para mamayani sa tunggalian ng mga interes sa lipunan.
Ang dalamhating bumabalot sa pagkamatay ni Robredo ay uri rin ng edukasyon para sa kabataan at mga darating na henerasyon. Ito ay isang aral na di lamang dapat isinasatitik sa mga aklat kundi isinasapusong dapat tumibok sa pang-araw-araw na buhay . Ito rin ay isang aral, na tulad ng dugong umaagos sa ugat ng bawat bata, ay dapat umagos sa kamalayan – kamalayan di ng bawat idibidwal kundi sa bansa bilang isang organismong nangangailangan ng pagkain sa isip at pagkalinga sa damdamin.
Pinapahintulutan ng Diyos magkaminsan ang kamatayang tulad ng kay Robredo upang tumugon sa pangkasaysayang mga pangarap ng nakararami. Gayunpaman, di sana kitlin makalawa ng sakit ng maikling memorya ang makinang na halimbawa niya. Maraming bayani na ang iniluklok sa mga pedestal ang nangamatay makalawa matapos muling maidlip sa bangungot ang bayang nasanay na sa pang-aabuso at pagiging alipin. Ang paulit-ulit na kamatayang ito ang requiem sa halos limang-daang taong burol ng bayang Pilipinas.
Kung kailan magiging tulad ni Lazarus ang bayang Pilipinas, kung kailan ito magbabalikwas upang lumaya mula sa kamatayan sa kasaysayan, ay isang panaginip na sana’y basbasan ng langit. Subalit ang pagbabasbas ay ibinibigay lamang sa mga bayang karapat-dapat kamitin ito. Dapat maging karapat-dapat ang bansa na tumindig sa daigdig ng mga buhay at tunay na malaya. Ang pagiging karapat-dapat na ito, tulad ng pagsisilang kay Robredo sa sinapupunan ng langit, ay kailangan munang isilang sa puso ng bawat mamamayang Pilipino. Kapag ang tibok ng bawat isa ay sumaliw sa tibok ng iba pa upang bumuo ng pangkalahatan, kikibot ang bawat selula, didilat ang mga mata, gagalaw ang mga daliri, muling tatakas ang pawis sa bawat paghinga, pupusyaw ang mukha, babalutin ng katuwiran ang isip. Kapag nangyari ang mga ito, babangon ang Pilipinas.
12:14 nh
26 Agosto 2012
No comments:
Post a Comment